MAKIKINABANG nang malaki ang pamilyang Filipino sa pagtaas ng pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa darating na taon sa panukalang budget na pinag-uusapan sa Kamara ngayon.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, imbes P500 ang makukua ng bawat mag-aaral sa pamilyang nagbebenepisyo rito, ang ibibigay ng gobyerno ngayon ay P300 bawat bata na naka-enrol sa day care at elementary, P500 para sa junior high school at P700 sa senior high school.
“This is a significant adjustment from the previous 4Ps where education grants were pegged at P500 per month, regardless of whether the child is enrolled in junior or senior high school,” ani Romualdez.
Aniya nagkasundo ang mga lider ng bawat partido sa Kamara na suportahan ang P108.8 bilyong inilaan ng Malacañang para sa 4Ps at P166.5 bilyon naman para sa Universal Health Care.
Ang pondo para sa 4Ps at UHC ay nakapaloob sa panukalang 2020 national budget na isinumite ng Malacañang sa Kamara noong nakarang linggo.
Ang 4Ps ay inilunsad noong 2007 sa pangalang Ahon Pamilyang Pilipino bago naging flagship program ng administrasyong Gloria Macapagal Arroyo noong 2008 sa pangalang 4Ps.
Naging batas ito kamakailan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon bilang Republic Act 11310.
Mula 31 Marso 2019, ang 4Ps ay ipinamamahagi sa 144 bayan at 1,483 munisipyo sa 80 probinsiya.
Nakikinabang dito ang 4,876,394 pamamahay na nakarehistro sa programa.
Noong nakaraang 2018, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapamahagi na ng P81,456,386,100 sa mga lehitimong benepisaryo.
Ang mga kasalukuyang miyembro rito ay magkakaroon ng P750 kada buwan para sa “health services” imbes P500 katulad noong isang taon.
Ayon kay Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu, importanteng maipasa agad ng Kongreso ang panukalang budget na nakatuon sa pagpuksa ng kahirapan sa bansa.
“We will not allow any budget delay because it will derail President Duterte’s poverty reduction efforts. House leaders under Speaker Cayetano will ensure that the government will be able to accelerate the implementation of its infrastructure projects by providing the necessary funding,” ani Abu.
“The swift implementation of projects, such as hospitals, schools, construction of new roads and other vital programs that will promote the welfare of the marginalized sector will create more opportunities and jobs for Filipinos,” dagdag ni Abu.
(GERRY BALDO)