TIMBOG ang isang tricycle driver nang dukutin sa bag ang mamahaling cellphone ng isang US citizen sa loob ng pampasaherong bus sa Makati City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang naarestong suspek na si Mark Pangilinan, 27, binata, tricycle driver, ng Matimyas Street, Sampaloc, Maynila.
Samantala ang biktima ay kinilalang si Laila El Sayeh y Mamoud Farouk Fouad, nasa hustong gulang, dalaga, isang US Citizen, flight attendant, residente sa Guadalupe Bliss Bldg., Barangay Cembo, Makati City.
Sa ulat, nabatid na nangyari ang pandurukot sa loob ng isang public utility bus (PUB) sa panulukan ng Buendia Avenue at Dian St., Bgy. San Isidro sa nasabing lungsod, dakong 2:30 pm.
Umupo ang suspek sa tabi ng dalaga nang mabisto ng biktima ang ginawang pagdukot ni Pangilinan sa iPhone XS mula sa loob ng kanyang shoulder bag.
Agad tumayo ang suspek at tumakbong lumabas ng bus.
Nagsisigaw sa paghingi ng tulong ang biktima na nakatawag ng pansin sa mga nagpapatrolyang pulis na sina Cpl. Roderick Perez at Cpl. Nikko Aliasas kaya hinabol nila ang papatakas na suspek na agad nilang nasakote.
Nabawi ang ninakaw na cellphone ng suspek at nakompiska ang isang improvised bladed weapon na sirang gunting, may habang 7.5 pulgada.
Sasampahan ang suspek ng kasong theft (pickpocket) at paglabag BP 06 sa Makati Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)