HINDI hahadlangan ng Palasyo ang panukala ni Senador Francis Pangilinan na gawin nang mandatory ang pagsasagawa ng autopsy sa mga napapatay sa police operation na nasa ilalim ng questionable circumstances.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na malaya si Pangilinan na maghain ng mga panukalang batas na sa tingin niya ay makabubuti sa bansa at hindi makikiaalam ang ehekutibo sa gawain ng sangay ng lehislatura.
Bahala na aniya ang mga mambabatas kung susuportahan ang panukala ni Pangilinan.
Inihain ni Pangilinan ang panukalang batas na gawing mandatory ang autopsy sa mga napapatay sa police operation kasabay ng anibersaryo ng kamatayan ni Kian delos Santos, ang batang sinadyang patayin ng mga pulis sa Caloocan City noong 2017. (ROSE NOVENARIO)