DUMAING sa akin ang magulang ng isang menor de edad na lalaki sa Bgy. UP Campus sa QC at inilahad ang sama ng loob sa hindi pagkilos ng pamunuan ng Quezon City at opisina ni DILG Usec. Martin Diño sa inihain nilang sumbong na pangmomolestiya ni Bgy. Kagawad Warren Gloria sa kanilang anak (hindi natin papangalanan upang protektahan ang pagiging menor de edad) na naganap noong gabi ng May 11, 2019.
Isang kaso ng child abuse ito na isinasaad sa Republic Act 7610 para protektahan ang isang menor de edad laban sa pang-aabuso, pananamantala at diskriminasyon ng sino mang gagawa nito. Delikado ka rito kagawad ‘pag nagkataon.
May diskriminasyon daw na nangyayari?
Kung totoo naman na ipinagwawalang-bahala ng pamunuan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang reklamo ng magulang ng batang inabuso ni Kagawad Warren Gloria, hindi magandang halimbawa ito ng patas na pagpapairal ng batas sa sino man lalo pa nga’t isang halal na opisyal ng gobyerno ang isinusumbong. Saan pa raw sila tatakbo at dadaing kung hindi naman sila pinapansin? Oo nga naman!
Inisnab din ng opisina ni Usec Martin Diño?
Inilapit na rin umano ng pamilya ng menor de edad sa opisina ni DILG Usec. Martin Diño ang reklamo nila pero wala rin ginawang aksiyon ang DILG para maimbestigahan ang kaso ng pang-aabuso ni kagawad na nasa kanilang hurisdiksyon. Patuloy pa rin daw ang pamamayagpag ng sinapian ng espiritong gigil na kagawad. ..Totoo ba ‘yan Idol Bobot?
Aba e! Teritoryo mo pa naman ang QC. Kilos na tayo!
Mabuti na lang may PAO na dumamay
Kapuri-puri naman ang ginawang pag-aasikaso ng tanggapan ni Atty. Percida Acosta sa reklamo ng mga magulang ng menor de edad na inabuso. Agad itong kumilos at nagsampa ng kaso laban kay Bgy. Kagawad Warren Gloria at ngayon ay iniimbestigahan na ng DOJ-NPS Office of the Prosecutor sa Quezon City. Sino naman kaya ang magbibigay ng abogado kay Kagawad Warren Gloria? Sana naman hindi na si Mayora. Tama ba?
BAKAS
ni Kokoy Alano