HINDI mapipigilan ng presensiya ng mga pulis sa mga eskuwelahan ang pagrerekrut ng mga bagong miyembro ng mga makakaliwang grupo.
Naniniwala si Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang paglaganap ng krimen ang puwedeng maiwasan sa pagkakaroon ng mga pulis sa mga paaralan pero ang recruitment ng leftist groups ay hindi dahil lihim ang pangangalap ng kanilang kasapian.
“Ang presence ng police can prevent any crime being committed inside the campus. Pero recruitment? I dont’ think na it will solve,” ani Panelo.
Hindi naman aniya kailangang maganap sa mga eskuwelahan ang recruitment ng leftist organizations kaya kahit may mga pulis sa loob ng paaralan, mangyayari pa rin iyon.
“Unang-una recruitment doesn’t even have to be in schools,” sabi ni Panelo.
Kamakalawa ay iminungkahi ni Sen. Ronald dela Rosa ang police visibility sa mga paaralan upang maiwasan ang recruitment ng leftist groups sa mga estudyante. (ROSE NOVENARIO)