AABOT sa halos P200 ang mababawas sa buwanang bill ng mga consumer na kumukonsumo ng 200 kilowatt hour sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11371 o Murang Kuryente Act.
Batay sa bagong batas, mababawasan ang singil sa koryente sa pamamagitan ng paglalaan ng pamahalaan ng net government share mula sa Malampaya fund upang ipambayad sa utang ng National Power Corporation na ikinakarga sa buwanang electric bill ng mga consumer.
Gagamitin ang P208 bilyong Malampaya fund para sa pagbabayad sa stranded contract costs at stranded debt ng Napocor.
Ang stranded contract costs ay contracted cost of electricity ng Napocor sa independent power producer habang ang stranded debts naman ay hindi nabayaran na financial obligations nang isapribado ang Napocor assets.
Gagamitin din ang pondo para sa pagpopondo sa exploration, development at exploitation ng iba pang energy resources.
Tinatayang aabot sa 16 milyong household ang makikinabang sa bagong batas.
Samantala, nilagdaan din ng Pangulo ang Republic Act 11360 na nag-aatas na ibigay sa mga manggagawa sa hotel, restaurants at ibang related establishments ang 100 porsiyentong service charge na nakolekta sa mga kostumer.
(ROSE NOVENARIO)