NANINDIGAN ang Palasyo na walang masama sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis gaya ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, eksempsiyon sa anti-graft provision ng Republic Act No. 3019 kung ang isang regalo ay kusang ibinigay ng mga taong nabigyan ng tulong ng mga pulis at hindi bilang suhol kundi bilang isang token of gratitude ng pasasalamat o pagkakaibigan.
Wala rin aniyang nalalabag na batas sa ilalim ng Republic Act No. 6713, o the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees kung ang isang bagay o regalo na ibinigay ay hindi bilang pabor na hiningi ng isang taga-gobyerno kapalit na naitulong sa isang indibidwal.
Bilang isang abogado, inihayag ni Panelo, batid ng Presidente ang itinatakdang mga eksempsiyon sa probisyon ng batas.
Ani Panelo, mahigit dalawang dekadang naglingkod sa local government ang Pangulo at batid niya kung gaano kasidhi ang pagnanais ng mga naging constituents para maiparamdam ang kanilang “appreciation” sa nagawa ng Pangulo sa Davao na itinuturing ngayong isa sa pinakaligtas na lugar sa Asya.
(ROSE NOVENARIO)