IPINANUKALA ng ilang mambabatas ang kinatatakutan ng mga mahilig sa sasakyan: ang pagbabawal sa pagbili ng sasakyan kung wala silang parking para rito.
Ayon kay House deputy speaker, Rep. Raneo Abu, Cavite Rep. Strike Revilla, at Quezon City Rep. Alfred Vargas hindi na puwedeng bumili ng sasakyan kung walang parking.
“The street is primarily intended for vehicular or foot traffic and should not be appropriated as personal parking spaces of these vehicles. Any buyer of a motor vehicle can be presumed to be able to provide a parking space for his vehicle,” ani Abu.
Sa panig ni Revilla at Vargas, makababawas sa pagdami ng sasakyan sa Metro Manila ang nasabing mga panukala.
Sa panukala ng mga nabanggit na mambabatas, papanagutin ang Land Transportation Office (LTO), ang car supplier o dealer at ang mga may-ari ng sasakyan, kung mapapatunayan na wala silang parking.
Kapag naipasa at naging batas ito, may kaakibat na parusa ang mga lalabag dito – tatlong taong pagkakabilanggo at multa mula P50,000 hanggang P200,000 sa bawat pagkakataon.
ni Gerry Baldo