MATAPOS ang ikinasang buy bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Pasay City Police sugatan ang isang sinabing tulak ng ilegakl na droga nang makipagbarilan sa mga pulis nitong Sabado.
Nakaratay at ginagamot sa Pasay City General Hospital ang suspek na si Manny Sumalinog, 35, binata, residente sa Estrella St., Barangay 14, sa nasabing lungsod, sanhi ng tama ng bala sa balikat.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng SDET ng Pasay Police, laban sa suspek sa nasabing lugar dakong 4:45 ng hapon.
Habang iniaabot ng suspek ang droga sa poseur buyer, nahalata ng suspek na isang pulis ang kanyang katransaksiyon kaya agad siyang tumakbo sa loob ng kanyang bahay.
Hinabol ng mga pulis ang armadong suspek na nakitang tumatakas sa bubong ng kanilang bahay at lumundag sa canopy ngunit wala na siyang matakbuhan kaya pinaputukan umano ang mga operatiba hanggang makarating si Sumalinog sa ikatlong palapag ng bahay at muling nagpaputok pero wala siyang tinamaan.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis hanggang tamaan sa balikat ang suspek sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Agad dinala ang suspek sa naturang pagamutan upang malapatan ng lunas.
Narekober sa loob ng bahay ni Sumalinog ang tatlong pakete na naglalaman ng shabu at isang kalibre .45 na ginamit ng suspek sa pakikipagbarilan at nakuhaan ng pito pang pakete ng hinihinalang shabu.
Inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at Illegal Possession of Firearm and Ammunition laban sa suspek.
(JAJA GARCIA)