MAY SUMISINGAW, umanong, baho sa Philhealth na pilit itinatago matapos pagbawalan ng ahensiya ang Commission on Audit (COA) na silipin ang mga kanilang mga computer.
Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor hinarang ng ahensiya ang COA na busisiin ang P121-bilyong ibinayad umano sa mga pasyente noong nakaraang taon.
“May itinatago ba ang Philhealth kaya ayaw ipa-access sa COA ang kanilang computer?” tanong ni Defensor.
Ayon kay Defensor, nabigo ang COA na buksan ang records ng ahensiya patungkol sa mga ibinayad sa mga doctor at ospital kung saan nagpagamot ang mga miyembro.
Ayon kay Defensor, mahalagang malaman ang tunay na pinagkagastusan ng malaking halagang ito.
“Hindi ko maialis sa akin o sa ibang tao na magduda dahil kung wala kayong itinatago, dapat iopen n’yo ‘yan sa COA. Pero bakit ayaw nilang ipa-access sa COA ang kanilang computer,” ani Defensor.
Binanggit ni Defensor, ang nakaraang reports na nagbayad ang Philhealth sa isang clinic para sa isang pasyenteng patay na.
Nagpaplano si Defensor na paimbestigahan ito sa Kamara.
Aniya, ang Congressional Oversight Committee ay maaaring mag-imbestiga at mag-utos na buksan ang records ng ahensiya.
(GERRY BALDO)