NAMATAY ang isang driver makaraang pumasok at atakehin sa puso sa loob ng Asylum Manila dahil sa gimik na “haunted attraction” ng establisimiyento, kasama ang kanyang high school friends para magkasiyahan, nitong Linggo sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ni P/Lt. Nick Fontanilla ang biktima na si Arlan Thaddeus Eusebio, 44, may asawa, driver at residente sa AO14 P. Castro St., Borol 1st Balagtas Bulacan.
Sa imbestigasyon ni Patrolman Julius Vinasoy, naganap ang insidente dakong 5:12 pm nitong Linggo, 4 Agosto, sa loob ng Asylum Haunted Attraction na matatagpuan sa E. Rodriguez Sr., Ave., Mariana, New Manila, Quezon City.
Ayon sa report, pumasok sa horror house ang biktima kasama ang ilang kaibigan noong high school.
Habang nasa loob ng Asylum, napansin ng kaibigang si Oliver Lopez na nangangatog si Eusebio at biglang napaupo saka nawalan ng malay.
Agad humingi ng saklolo si Lopez at isinugod sa Saint Lukes Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival dakong 6:07 pm, ayon sa attending physician na si Dr. Romulo Babasa.
Si Eusebio ay may sakit na diabetes noon pang 2012 at nagkaroon ng enlargement ang puso kaya mayroon na siyang iniinom na maintenance medicines simula taong 2014.
Nabatid na nagpapapirma ang pamunuan ng Asylum ng waiver sa lahat ng kanilang kustomer bago pumasok sa horror house. Laman ng waiver na bawal pumasok ang mga may sakit sa puso, buntis, may asthma, prone to seizures, physical ailments, respiratory or any type of medical problem at iba.
Bukod dito, may nakapaskil pang mga babala sa ticketing booth na bawal pumasok ang mga may sakit sa puso, niyerbiyos at iba.
ni ALMAR DANGUILAN