ISA sa mga solusyon sa masamang lagay ng trapiko sa Metro Manila ay pagbabawas ng araw ng trabaho.
Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, malaking bagay kapag ginawa na apat na araw na lamang ang trabaho ng mga empleyado sa gobyerno at sa pribadong kompanya.
Ani Go, mababawasan ang mga sasakyang bumibiyahe at luluwag ang trapiko sa Metro Manila.
Ayon sa may-akda ng House Bill 1904, magbebenepisyo sa maikling linggo ng trabaho ang mga employer at kanilang mga empleyado.
Paliwanag ni Go, susundin pa rin ang 48 oras na trabaho sa loob ng lima o anim na araw, mananatili at hahabaan ang oras ng pasok sa loob ng apat na araw.
“This concept can be adjusted accordingly in cases where the normal work week of the company is five days,” ani Go.
Binangit ni Go, pumayag ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ganitong iskema at ipinapatupad na ito ng ilang mga kompanya.
Sa Kamara de (los) Representantes, matagal nang ipinatutupad ang iskemang ito.
Ani Roger de Mesa, emplyedo ng Kamara, nakatitipid siya sa gasolina at nagkakaroon ng mas maraming oras sa pamilya.
Ani Gilbert Manalo, isa rin empleyado ng Kamara, nagkakaroon siya ngpanahon makipag-bonding sa anak niya at sa asawa. Ayon kay Go, imbes pagbawalan ang mga provincial bus sa EDSA, ang apat na araw na trabaho ay malawak ang epekto sa pagpapaluwag ng trapiko.
(GERRY BALDO)