NAGBABALA ang Palasyo na magdedeklara ng martial law para wakasan ang lumalalang karahasan sa Negros Oriental.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, puno na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga karahasang inihahasik ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ikinokonsidera aniya ni Pangulong Duterte na gamitin ang kanyang emergency powers, kasama ang martial law, para mawakasan ang gulo na kagagawan ng rebeldeng grupo sa lalawigan.
Ayon kay Panelo, sinamantala ng mga rebeldeng komunista ang nagaganap na land dispute sa Negros at inaring parang kanila na ang probinsiya.
Mistulang sila aniya ang nagpapasiya sa kung sino-sino ang dapat na magmay-ari ng mga lupain sa lalawigan.
Nauna rito’y itinaas ng Pangulo sa P5 milyon ang reward money sa sinomang makapagtuturo sa mga pumatay sa apat na pulis sa Negros.
(ROSE NOVENARIO)