KASAMA ang mga nasa lokal na pamahalaan sa isinasagawang imbestigasyon ng Palasyo sa sinasabing anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang ibinunyag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay ng nakakasa na ngayong pagsisiyasat sa umano’y iregularidad na bumabalot sa PCSO.
Sinabi ni Panelo, hindi lang sa loob mismo ng PCSO nakasentro ang ginagawang pagsilip sa umanoy katiwalian kundi mismo sa labas ng ahensiya na dito nga ay binanggit ang hanay ng LGUs.
Hindi na idinetalye ni Panelo kung paano nadadawit ang mga nasa lokal na pamahalaan sa isyu ng korupsiyon sa PCSO na pinaniniwalaang bahagi ng sabwatan.
Unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang katiwaliang nagaganap sa PCSO ay produkto ng isang grand conspiracy na labis niyang ikinagalit kaya isinuspende ang lahat ng gaming schemes na pinatatakbo ng ahensiya.
NBI TUTOK
KONTRA
KORUPSIYON
SA PCSO
BUMUO ng dalawang grupo ang National Bureau of Investigation (NBI) para tumutok sa imbestigasyon ng umano’y talamak na korupsiyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, sisikapin nilang matapos agad ang imbestigasyon sa sinasabing katiwalian sa loob ng PCSO gayondin ang pagsasampa ng kaso sa mga nasa likod nito.
Nangako si Gierran na mahigpit ang kanilang gagawing pagbusisi para makapangalap ng matibay na ebidensiya laban sa mga sangkot.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, tututukan ng imbestigasyon ang umano’y bilyong pisong halaga ng pera mula sa gaming operations ng PCSO na hindi naire-remit.
Samantala, bukod sa PCSO, kasabay na sisiyasatin ng NBI ang mga sinasabing katiwalian sa Bureau of Customs (BoC).
Kaugnay nito, itinalaga si NBI Deputy Director Atty. Antonio Pagatgat para pangunahan ang imbestigasyon sa PCSO at BoC.
SANDRA CAM, et al
IIMBESTIGAHAN DIN
HINDI ligtas si Sandra Cam at iba pang matataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa imbestigasyong ginagawa ng mga awtoridad sa malawakang korupsiyon sa ahensiya.
Sa panayam kay Presidential Spokesman Salvador panelo, sinabi niyang kasama sa binubusisi ngayon ang pagtisipasyon sa malawakang pakikipagsabwatan sa pangungurakot sa pondo ng PCSO ng ilang matataas na opisyal nito.
Gayonman, inilinaw ni Panelo na katuwang ng mga awtoridad ang bagong general manager ng PCSO na si Col. Royina Garma sa mga nagsasagawa ng imbestigasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Panelo, kasama rin sa ikinokonsidera sa isinasagawang pagsisiyasat ang mga dati nang isiniwalat noon ni dating PCSO general manager Alexander Balutan.
Matatandaan, nagbitiw sa puwesto si Balutan dahil hindi na aniya maatim ang malawakang katiwaliang nangyayari sa ahensiya.
Sa ngayon ay si Anselmo Pinili ang chairman ng PCSO.
Kaugnay nito, magsasagawa ng lifestyle check si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica sa lahat ng matataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) maging ang dating general manager nitong si Alexander Balutan.
“We will be conducting a life style check against all of them after the pronouncement of the President that he is closing down PCSO operations for massive corruption. On top of the cases that is already pending before us,” ani Belgica.
(ROSE NOVENARIO)
PASENSIYA NA,
PALASYO HINDI
MAGSO-SORRY
HINDI hihingi ng paumanhin ang Palasyo sa mga operator at ordinaryong empleado ng lotto na nawalan ng trabaho at kita sa apat na araw na pagpapasara ng operasyon nito.
Sa isang panayam sa Malacañang, nanindigan si Presidential Spokesman Salvador Panelo na kumita sila sa mahabang panahon na operational ang kanilang outlets.
Para sa daan-daang libong mga kawani ng small town lottery (STL) at iba pang games sa PCSO, sinabi ni Panelo na naghahanap na ngayon ng paraan ang Pangulo para mabigyan ng ayuda habang patuloy na umiiral ang suspension order.
Masyado aniyang malawak ang korupsiyon sa nasabing mga laro at kailangan malinis muna bago pagpasyahan ng pangulo kung marapat nang ibalik ang operasyon.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo, ginagawa ng mga awtoridad ang lahat katuwang ang bagong general manager ng PCSO na si Col. Royina Garma para mapabilis ang imbestigasyon.
Sabado ng gabi nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendido muna ang operasyon ng Lotto, STL, Peryahan ng Bayan at Keno games dahil sa sinabing malawakang korupsiyon sa PCSO.
Kamakalawa ng gabi, binawi ng Palasyo ang suspensiyon sa lotto at muli itong pinabubuksan ng pangulo sa lalong madaling panahon, ngunit nananatiling hindi operational ang STL at iba pang gaming operations ng PCSO.
(ROSE NOVENARIO)