TINANGGAL ng Palasyo ang suspensiyon sa operasyon ng lotto.
Inihayag ito kagabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Aniya, “Suspension of lotto operations have been lifted, effective immediately.”
Dakong 9:53 kagabi, inihayag na ang suspensiyon sa lotto operations, as per Executive Secretary Salvador Medialdea, ay tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit inilinaw na ang iba pang gaming operations na may prangkisa, lisensiya o permit mula sa
Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), gaya ng Small-Town Lottery (STL), Keno, at Peryahan ng Bayan (PNB), ay mananatiling suspendido habang iniimbestigahan ang ilegal na aktibidad at mga katiwalian kaugnay nito.
Mananatili ang suspensiyon hanggang masuri ng Office of the President ang resulta ng imbestigasyon.
Nguit ang franchise holders at mga operator lotto outlets ay makababalik na sa kanilang operasyon.
ni ROSE NOVENARIO
LOTTO EMPLOYEES
BUHAY NAMAN
NOON PA
— PANELO
“BAKIT noong hindi ba sila empleyado, hindi sila nabubuhay?”
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo nang uriratin ng media kung ano ang mangyayari sa libo-libong empleyado na nawalan ng trabaho nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Imbes bigyan ng pag-asa ang mga empleyadong nawalan ng trabaho bunsod ng desisyon ng Pangulo, tila inuyam pa sila ni Panelo nang sabihin na nabuhay naman sila kahit wala pa ang lotto, STL outlets ng PCSO.
“Noong wala pa ang outlets na ‘yan, nabubuhay naman sila,” ani Panelo.
Inamin ni Panelo, walang alternatibong kabuhayan na maibibigay ang pamahalaan sa mga nawalan ng trabaho at mistulang minaliit ang epekto nito sa kanilang buhay.
“Sa ngayon, wala. I’m sure ‘yung mga naapektohan, hindi naman sila gano’n kahirap. Nakaipon naman siguro sila habang nag-o-operate,” sagot ni Panelo nang tanungin kung anong alternatibong trabaho ang iaalok ng gobyerno sa mga nawalan ng trabaho.
Iginiit ni Panelo na hindi dapat i-underestimate ang kakayahan ng mga Filipino dahil nakagagawa sila ng paraan sa tuwina para mairaos ang buhay.
Walang inianunsiyo si Panelo kung kailan magpapatuloy ang gaming operations ng PCSO maging ang pagsisiwalat ng mga nagsabwatan sa ‘massive corruption’ sa ahensiya.
(ROSE NOVENARIO)