MAY grand conspiracy sa lahat ng ‘players’ at participants ng gaming operations sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, masyadong malawak ang korupsiyon sa PCSO kaya ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gaming operations.
Dinadaya aniya ng ‘players’ ang gobyerno at hindi nagbibigay ng karapat-dapat na share mula sa kita ng gaming operations.
Aabot aniya sa 60 hanggang 70 porsiyento ng share ang nawawala sa gobyerno.
Katuwiran ng Pangulo kung maliit lang ang kita ng gobyerno mas makabubuting isara na lamang ang PCSO dahil may iba pa namang mapagkukunan ng pondo ang pamahalaan gaya ng PAGCOR at discretionary fund ng Office of the President.
Kaugnay nito, maglalabas ng executive order si Pangulong Duterte para gawing pormal ang utos na ipasara ang operasyon ng lotto at iba pang gaming operations ng PCSO.
Paliwanag ni Panelo, kahit na walang executive order, executory na ang utos ng Pangulo.
Dagda niya masyado nang nagugumon ang mga Pinoy sa sugal at ito ang isa sa mga dahilan kaya nagpasya si Pangulong Duterte na ipatigil ang gaming operations ng PCSO.
Ani Panelo, hindi na nakabubuti sa lahi at kultura ng mga Filipino ang malulong sa sugal.
ni ROSE NOVENARIO
SANGKOT
SA KORUPSIYON
SA PCSO IBUBUNYAG
NI DUTERTE
MALALAKING tao ang nasa likod ng korupsiyon sa gaming operations sa Philippine Charity Sweepstakes Office ( PCSO).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi lamang mga taga-PCSO ang sangkot kundi maging ang ilang local government officials at mga hukom.
Ayon kay Panelo, ibubunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakakilanlan ng malalaking tao pagdating ng takdang panahon.
Magiging maingat aniya ang Pangulo sa pagbibigay ng pangalan sa mga sangkot sa korupsiyon para hindi magkamali.
Bilyon-bilyong piso aniya ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa korupsiyon sa PCSO.
Gayunman, walang dapat na ipag-alala ang publiko sa pagsasara ng gaming operations ng PCSO.
May mapagkukunan pa aniya ang pamahalaan para sa mga humihingi ng medical assistance sa PCSO gaya ng PAGCOR na umaayuda sa pamahalaan.
Bukod dito, maaari rin magpalabas ang Office of the President ng pondo mula sa discretionary fund.
Makapagbibigay pa aniya ng medical assistance ang gobyerno kahit sarado na ang gaming operations ng PCSO.
Payo ni Panelo, sumulat lamang sa tanggapan ni Pangulong Duterte o dumulog sa mga tanggapan ng PAGCOR para makahingi ng medical assistance.
(ROSE NOVENARIO)