Saturday , November 16 2024

Salary Standardization Law ipasa — Duterte, Umento sa guro inihirit ni Digong

UMENTO sa sahod para sa lahat ng pampublikong kawani ng pama­halaan ang inihirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa ng Kongre­so upang matugunan ang pana­wa­gang wage hike ng mga guro.

“To the teachers who toil and work tirelessly to educate our young, kasali na po rito ‘yung hinihingi ninyo. Hindi masyadong malaki pero it will tide you over,” anang Pangulo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) kahapon.

Sa panayam ng media matapos ang kanyang SONA, inamin ng Pangu­lo na hindi iiral ang fede­ralismo sa bansa hang­gang 2022.

Katuwiran ng Pangu­lo, kailangan ng bansa ang isang ‘strong presi­dent’ para ipatupad ang federal form of govern­ment sa Filipinas at hindi siya iyon.

Inulit ng Pangulo ang kanyang alok na P1 milyong pabuya para sa makapagtuturo sa mga rebeldeng komunistang pumatay sa apat na pulis sa Negros Oriental kama­kailan.

ni ROSE NOVENARIO

DEATH
PENALTY
IBALIK

IBALIK ang death penalty para sa mga nahatulan sa karumaldumal na krimen gaya ng plunder at drug trafficking.

Inihirit din ito ni Pa­ngu­long Rodrigo Duterte sa Kongreso sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa pagbubukas ng 18thCongress kahapon.

“I respectfully request Congress to reinstate the death penalty for heinous crimes related to drugs, as well as plunder,” anang Pangulo.

Nakalulungkot aniya na mas umiiral sa tao ang pagkagahaman kaysa pangangailangan, ang pagsisinungaling kaysa katotohanan dahil sa pagiging makasarili ng mga tao at pagnanais na magpasasa.

Inihalimbawa ng Pangulo sa korupsiyon ang nabistong malawa­kang katiwalian sa Phil­Health na sana’y nagamit sa pagpapa­gamot sa mga maysakit at naka­pag­ligtas sa buhay ng mga mama­mayan kaysa napunta sa bulsa ng iilan.

Anang Pangulo, inatasan niya ang bagong pinuno ng PhilHealth na linisin ang ahensiya laban sa korupsiyon.

Wala aniyang sacred cow sa kanyang adminis­trasyon, sa katunayan ay mahigit 100 opisyal ang kanyang sinibak at patu­loy ang repormang isina­sagawa maging sa Bureau of Customs, pulisya at militar.

Pinuri ng Pangulo ang government owned and controlled corporations (GOCCs) dahil naka­kolekta ng P61 bilyon, 32% o P16-B ay mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Kahit aniya talamak ang korupsiyon sa Bureau of Customs (BoC) ay nakakolekta ito ng P585-B at mas malaki sana kung walang tiwali sa ahensiya.

Hiniling rin ng Pangu­lo sa Kongreso na sa kanila na lamang mag-report ang 61 kawani at opisyal ng Customs na may kaso kasabay nang pagbabawal na tumun­tong na sila sa bakuran ng BoC.

(ROSE NOVENARIO)

MAY 2020
BARANGAY POLLS
ILIBAN

— DUTERTE

NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipagpaliban ang May 2020 barangay at Sang­guiang Kabataan (SK) elections.

Sa kanyang ikaapat na SONA kahapon, sinabi niya na mas pabor siyang idaos ang susunod na halalan sa barangay at SK officials sa 2022.

“Congress has to postpone the Barangay and SK elections to 2022,” aniya.

Kaugnay sa paglaban sa kampanya kontra-korupsiyon, hinimok niya ang publiko na ireport sa 8888 hotline ng gobyerno ang anomang usapin na may kaugnayan sa katiwalian.

“Malacañang is open 24 hours basta corrup­tion. Huwag naman ‘yung hindi totoo, ‘yung maka­sakit ka ng tao,” dagdag niya.

Hinggil sa isyu ng problema sa trapiko, inutusan ng Pangulo ang Metro Manila Develop­ment Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) na linisin ang kalsada at bawiin ang public roads na ginagamit ng pribadong sektor sa Kalakhang Maynila.

Nagbigay ng direktiba ang Pangulo kay DILG Secretary Eduardo Año na arestohin ang mga lokal na opisyal na tutu­tol sa kanyang kautusan.

Katuwiran ng Pangulo, mahigit P3 bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil sa suliranin sa trapiko.

(ROSE NOVENARIO)

Duterte sa mga
establisimiyento
HANGGANG HATINGGABI
LANG KAYO BUKAS

NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ng batas ang Kongreso na magtatakda na magsara ang lahat ng establisimiyento sa buong bansa nang 12:00 pm.

Aniya, sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), ito ang kanyang ginawa sa Davao City kaya naging mapayapa sa siyudad noong siya’y mayor pa roon.

“Everything closes down at 12, nobody works. You have to stop drinking. Jukebox, only good up to 8-9 pm,” anang Pangulo.

Habang ang mga establisimiyento na malapit sa Manila Bay ay binalaan niyang ipagigiba kapag ipinagpatuloy ang pagtatapon ng dumi sa dagat,

“Make a choice…I’m going to dismantle your building or just simply burn it down,” sabi niya.

Pinaalalahanan niya ang mga lokal na pama­halaan at kaukulang ahensiya na mahigpit na ipatupad ang mga batas na magbibigay pro­teksiyon sa kalikasan.

“I am giving due notice to the LGUs and the stakeholders of tourist destinations in the enforcement of our laws in the protection of our environment,” giit niya.

Samantala, tiniyak ng Pangulo na walang korupsiyon sa pagpasok ng third telco player na pagmamay-ari ng kanyang kaibigang si Dennis Uy.

Kamakailan ay gina­waran ang Mislatel Con­sortium o Dito Tele­community, ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) sa Palasyo.

“Do not worry about this. There is no corruption at all. I guarantee you. Upon the grave of my father I do not allow [corruption], I do not talk to them,” anang Pangulo.

Nais din ng Pangulo na gumawa ng batas ang Kongreso na lilikha sa Department of Overseas Filipinos, Department of Disaster Resiliency, at Department of Water Resources at Malasakit Center.

Matapos ang isa’t kalahating oras na SONA ay nakipag-jamming ang Pangulo sa Philippine Philharmonic Orchestra at kumanta siya  ng “Moon River” at “Ikaw” at inan­yayahan sila na tumugtog at saluhan siya sa isang hapunan sa Palasyo.

(ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *