INAASAHANG isa ang West Philippine Sea sa mga isyung tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ngayon sa pagbubukas ng 18th Congress.
Sa kalatas ay sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na iuulat din ng Pangulo sa sambayanang Filipino ang mga nakamit na tagumpay ng kanyang administrasyon sa nakalipas na taon, ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ang kanyang mga plano sa nalalabing tatlong taon ng kanyang gobyerno.
Puwede rin aniyang isalaysay ng Pangulo ang mga naging pangako niya sa paglaban sa korupsyon, illegal drugs at rebelyon.
Maaari aniyang sabihin ng Pangulo ang mga paraan upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya at ang kanyang legislative agenda.
Kaugnay nito, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, posibleng tumagal ang ikaapat na SONA ng Pangulo ng 45 minuto hanggang isang oras.
Matatandaan, ang unang Sona ng Pangulo ay tumagal nang isang oras at 22 minuto; ang ikalawa ay dalawang oras at ang ikatlo’y 48 minuto.
(ROSE NOVENARIO)