NANATILI ang pagsubaybay ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos makatanggap ng ulat na pinigil ng Iranian authorities ang United Kingdom-registered MT Stena Impero habang naglalayag sa Strait of Hormuz nitong 19 Hulyo.
Ayon sa ahensiya, sakay ng barko ang 23 crewmembers, 18 Indians, tatlong Russians, isang Latvian at isang Filipino.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs (UMWA) Sarah Lou Arriola, batay sa nakuhang impormasyon mula sa manning agency, walang iniulat na nasaktan at ang barko ay patungo sa baybayin ng Iran.
Nakikipag-ugnayan na si Ambassador to Iran Fred Santos sa Iranian authorities upang hilingin ang garantiya o pagtiyak na ligtas ang Filipino at para sa agarang paglaya nito.
Agad ipinaalam ng Philippine-based manning agency ang insidente sa kaanak ng Pinoy at nagkaloob ng kaukulang tulong habang aktibong nagsasagawa ng koordinasyon ang foreign counterpart sa UK authorities para sa kinaroroonan ng barko at kung ano ang kondisyon ng sakay na seafarers.
Nabatid, ang MT Stena Impero ay iniulat na sinakyan ng “unidentified intruders” matapos lumapit ang maliliit na sasakyang pandagat o small crafts at isang helicopter habang nasa Strait of Hormuz sa international waters.
Hindi makontak ng mga awtoridad ang nasabing barko na patuloy na hinahanap habang patungo sa hilagang Iran.
(JAJA GARCIA)