ISANG breakfast meeting lamang ang dadaluhan ng mga kongresista ngayong umaga, 22 Hulyo 2019, ayon kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Imbes dalawa, taliwas sa napabalita na mayroon din “breakfast meeting” kay Davao Rep. Paulo “Pulong” Duterte sa ganap na 8:00 am.
Ayon kay Cayetano, nagkasundo na silang dalawa matapos alukin at pumayag si Rep. Duterte na maging deputy speaker for political affairs.
Tahimik si Duterte sa mga pahayag ni Cayetano pagkatapos ng kanilang miting kamakalawa.
Ngunit ayon sa isang kongresista, naguguluhan pa rin ang mga miyembrro ng Kamara kung ano ang tunay na basbas ni Pangulong Duterte na nagsabing ang pag-endoso niya kay Cayetano ay isang “rekomendasyon” lamang at maaaring hindi ito sundin ng mga mambabatas.
Inendoso ng pangulo si Cayetano at si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na maghati sa pagka-speaker ng Kamara.
Ayon sa Pangulo, 15 buwan kay Cayetano, at 21 buwan kay Velasco. Si Leyte Rep. Martin Romualdez, na nagpahayag rin ng kanyang pagkagustong maging speaker, ay magiging majority leader.
Sinabi rin ng kongresistang ayaw magpabangit ng pangalan na higit 200 ang nagkompirma sa breakfast meeting ni Pulong sa South Lounge ng Kamara.
Ang breakfast naman ni Cayetano ay sa Nograles Hall ng bagong South Wing Annex ng Kamara sa ganap na 8:30 am.
“The speakership fight is still full of confusion. It ain’t over till it’s over! Expect a tumultuous session,” ayon sa kongresista.
Aniya, nangulit si Sen. Bong Go na iboto si Cayetano sa pagbubukas ng sesyon.
Si Cayetano ay suportado rin ng ilang miyembro ng gabinete.
“We got words that Cong. Pulong may challenge the Speaker’s choice of his father. Hindi lang malinaw kung siya ang kandidato or may i-endorse siya. Kung may galawan, magiging malinaw na iyan sa almusal na ipinatawag niya,” ayon sa isa pang kongresista.
Noong Huwebes nagpaikot si Pulong ng manifesto of support para sa Duterte Coalition lingid, umano, sa kaalaman ng pangulo.
Si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate at Albay Rep. Edcel Lagman ay tatakbo rin sa pagka-speaker.
Sa 301 mambabatas na magiging miyembro ng papasok na 18th Congress, kailangan ng 152 boto para manalo ang isang speaker.
Ayon sa beteranong kongresista, maraming nagpapatawag ng miting para ikampanya ang ilang kandidato sa pagka-speaker kaya lalo, aniya, silang nalilito.
Si Pulong, aniya, wala pang sinasabi kung sino ang iboboto nila.
Kaugnay nito, sinabi ni Velasco, walang gusot na mangyayari sa eleksiyon ng speaker ngayong umaga.
Sa kanyang mensahe, pagkatapos ng miting nila ni Cayetano, Romualdez at iba pang matataas na opisyal ng mga partido, sinabi ni Velasco na sisiguraduhin nilang, “walang gusot, smooth ang mangyayari, for the next three years, ‘yung 15 months ni Speaker Alan at ‘yung sunod na 21 ko, it will be a very smooth transition, wala hong gusot, we’ll make sure that we’ll deliver the required laws na kinakailangan para ma-push nang deretso at ang pupuntahan nating direksiyong lahat ay pinapangarap sa atin ng ating Pangulo.”
(GERRY BALDO)