WALANG balak ang Palasyo na paimbestigahan ang koneksiyon ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa resolusyon ng Iceland laban sa human rights violations sa ilalim ng administrasyong Duterte na sinusugan ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hahayaan na lamang ng Malacañang ang mga paninira ng kilusang komunista sa administrasyong Duterte na pinaniniwalaan ng ibang bansa gaya ng Iceland.
“Pinababayaan na nga namin, ‘di ba? Hayaan mo na sila, we’ll just do our best,” ani Panelo.
Kamakalawa ay inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde na posibleng kagagawan ng CPP-NPA-NDF ang mga paninira sa administrasyong Duterte na naging basehan ng resolution ng Iceland sa UNHRC.
Kaugnay nito, inamin ni Panelo na ikinokonsidera ni Pangulong Duterte ang pagkalas sa diplomatic relations sa Iceland dahil sa malisyoso at one-sided na resolution sa UNHRC.
Hindi aniya nakikita at nauunawaan ng Iceland ang realidad ng epekto ng problema ng bansa sa illegal drugs.
Ipinakikita rin aniya ng resolusyon kung paano insultohin ng Western countries ang karapatan nating protektahan ang sariling mamamayan laban sa paglatay ng ilegal na droga na malinaw na banta sa ating lipunan.
Ang pakikialam ng Iceland ayon kay Panelo ay nararapat lamang kondenahin.
Malinaw din aniya na ang resolusyon ng Iceland ay nakadisenyo para hiyain ang Filipinas sa harap ng international community at Global audience.
(ROSE NOVENARIO)