INATASAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw ang mga miyembro ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) na makiisa sa ika-5 Metro Manila Shake Drill sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang scenario at table-top exercises para maihanda ang publiko sa posibilidad ng lindol.
Hinimok ni Michael Salalima, concurrent Chief of Staff ng MMDA Office of the General Manager at Focal for Disaster Risk Reduction and Management, ang mga DRRM officers na kombinsihin ang pribadong sektor at mga non-government organizations na kanilang nasasakupan para makita ang kanilang kakayahan sakaling gabi mangyari ang sakuna.
“Kasunod ng direktiba ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang shake drill para sa taong ito ay magiging multi-sectoral, multi-level, at regional-wide. Sa kauna-unahang pagkakataon, aasahan natin ang mas malaking partisipasyon ng mga nasa pribadong sektor,” ani Salalima sa MMDRRMC meeting na isinagawa sa MMDA headquarters ngayong araw.
Upang ihanda ang Metro Manila sa anomang maaaring mangyari, gagawin ang mga napagkasunduang scenarios at rehearsal simulation para sa isang malakas na lindol.
Kasama rito ang pansamantalang pagkaantala ng suplay ng tubig, koryente, at linya ng komunikasyon, building evacuation, pagbibigay ng first aid sa mga sugatang biktima, pagpatay ng sunog, at pagsalba sa mga na-trap.
“Gagawing evaluation tools ang mga scenario at gagawin itong makatotohanan,” ani Salalima.
Hindi gaya ng mga nakaraang drill, hindi na naka-preposition ang mga equipment at tauhan sa mga quadrant sa apat na sektor – North, East, West, at South.
Makikita sa nasabing drill kung paano gagawin ng MMDA, iba pang ahensiya ng gobyerno, at lokal na pamahalaan ang kanilang contingency plans.
Para sa pribadong sektor, makikita ang kanilang business continuity plans sa kabila ng mga sakuna.
Ayon sa MMDA official, hiningi na rin ang partisipasyon ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) at National Resilience Council para mahimok ang kanilang mga member businesses na makiisa sa drill.
Base sa pag-aaral, mas marami ang magiging casualty sa gabi kompara sa araw kung kailan nasa mga paaralan at opisina ang karamihan.
Uumpisahan ang drill sa ganap na 4:00 am sa 27 Hulyo sa pamamagitan ng pagpapatunog ng alarm na maghuhudyat ng pagsisimula ng aktibidad.
(JAJA GARCIA)