TABLADO sa gobyerno ng Filipinas ang resolution ng UN Human Rights Council (UNHRC) na naglalayong imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“The Philippine government rejects in the strongest terms the Iceland-led resolution recently adopted by the UN Human Rights Council (UNHRC),” ayon sa kalatas na inilabas kagabi ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Nakalulungkot aniya, sa pamamagitan ng isang resolusyon mula sa maliit na paksiyon ng 18 bansa ng 47-kasapian ng Council at mas maliit sa kabuuang 193 bansang kasapi ng United Nations, nasungkit ang platapormang ipinagkaloob ng HRC at kahit hindi beripikado ang mga datos ay ginagamit upang tawagan ng pansin ang Philippine government sa human rights situation ng bansa.
Ani Medialdea, ibinabasura ng pamahalaang Duterte ang resolution dahil nagsagawa ng shortcut ang maliit na paksiyon sa HRC at binalewala ang mga mekanismo para managot ang UN-member states gaya ng treaty body system at ang Universal Periodic Review ng UNHRC.
“The Philippines, as one of the pioneering members of the UN, has been abiding by these mechanisms, as they embody the processes that give due credence to member-states’ accountability and transparency. It is through such mechanisms that the human rights concerns mentioned in the resolution should have been taken up, verified and addressed,” pahayag sa kalatas.
Isang nakapipinsalang aksiyon aniya ang resolusyon, pambabastos sa soberanya ng isang peace-loving nation at pang-aabuso sa mga proseso ng UNHRC.
Naniniwala ang Malacañang na karamihan sa UNHRC members ay pareho ang pananaw ng Filipinas kaya’t mayorya sa kanila’y hindi bomoto o tumutol sa resolution.
Ang pagsusumikap aniya ng administrasyong Duterte ay suportado ng 80% Pinoy kaya’t hindi pagagambala ang Palasyo sa mga walang basehang akusasyon mula sa “political interests groups” na nagbigay ng mga maling impormasyon sa mga bansang sumuporta sa resolution.
“In this regard, we call on the diplomatic community to listen more to the Filipino people, rather than let a few political organizations mislead your capitals as to the real state of human rights in our country,” dagdag ni Medialdea.
Tiniyak ni Medialdea na hindi mapipigilan ang gobyerno ng Filipinas na ipagpatuloy ang kampanya kontra illegal drugs, korupsiyon, kriminalidad at terorismo.
ni ROSE NOVENARIO
RELASYONG
‘WALA-LANG’
SA ICELAND
‘LUSAWIN’
— PANELO
MINALIIT ng Malacañang ang mga posibleng epekto kapag pinutol ng Filipinas ang pakikipag-ugnayan sa Iceland na maghain ng resolution na nananawagn sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Kinuwestiyon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang umiiral na relasyon ng Filipinas sa Iceland para indahin ng bansa ang pagputol ng ugnayan sa Nordic island nation na ipinanawagan ni Sen. Imee Marcos.
“How will it affect us? Ano bang relasyon natin sa Iceland in the first place. Halos wala naman tayong…ni wala tayong embassy roon, ni walang ano sila rito e,” ani Panelo.
Ipinauubaya ni Panelo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasya sa magiging kapalaran ng ugnayang Filipinas-Iceland.
Para kay international law expert at human rights lawyer Harry Roque walang dapat ipagdiwang ang mga kritiko ng administrasyong Duterte dahil nakasaad lamang sa UNHRC resolution ang panawagan na magsumite ng kompletong report sa mga patayan sa Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)
IMPEACHMENT
VS VP LENI
‘DEADMA’
SA PALASYO
HINDI interesado ang Palasyo na ayudahan ang anomang posibleng impeachment complaint na isasampa laban kay Vice President Leni Robredo dahil mas maraming mahahalagang isyung dapat harapin.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos sabihin ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna na maaaring ma-impeach si Robredo bunsod nang pagsuporta sa resolution ng United Nations Human Rights Commission na imbestigahan ang human rights situation sa Filipinas sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte.
“You know, we have better things to do. There are so many problems in this country,” ani Panelo.
Bahala na aniya si Luna kung ano ang kanyang paniniwala at may iba’t ibang opinyon ang mga abogado.
“There are as many opinions as there are lawyers. The Impeachment Court will be the ultimate decider of that issue,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)