DAPAT din bigyan ng pabuya ang mga Filipino na umabot sa edad 80-anyos gaya ng mga nakaabot sa edad na isang siglo o 100 taong gulang.
Ayon kay Ako Bisaya party-list Rep. Sonny Lagon, ang 80-anyos ay nararapat din bigyan ng pabuya para ma-enjoy mga huling araw sa mundo.
Naghain si Lagon ng House Bill (HB) No. 907 upang maibigay ang mga benepisyong natatangap ng mga centenarians sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 10868.
”Our intention in filing HB No. 907 is to make the cash gift more accessible to more Filipinos and enable them to enjoy it during the twilight years of their lives where medicines and other necessities are more urgent,” ani Lagon.
Sa RA No. 10868, o ang Centenarian Act of 2016, mga Pinoy na umabot nang 100 taong gulang, nasa Filipinas man o sa ibang bansa ay magkakaroon ng P100,000 sa kanyang bertday.
Ayon kay Lagon, isang rehistradong Electronics and Communications Engineer, ang 80-anyos ay dapat magkaroon din ng kahalintulad na benepisyo mula sa gobyerno.
Ayon kay Lagon, kaunting Filipino ang umaabot sa 100 anyos para ma-enjoy ang espesyal na benepisyong ipinagkaloob ng RA No. 10868.
Binanggit niya ang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) noong 2018 na nagsasabing ang average life expectancy ng mga Filipino ay 69.3 taong gulang.
“It should also be noted that many of those who are lucky enough to qualify for RA No. 10868 no longer have the mental faculties to appreciate and enjoy the cash gift,” ani Lagon.
“May kasabihan nga tayong mga Filipino na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo,” dagdag ni Lagon.
(Gerry Baldo)