BINANTAAN ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred De Los Santos ang sinabi niyang mga tumitira sa kanya matapos lumabas sa media ang istorya ng kanyang pananapak sa isang waiter sa Legazpi City.
Ayon kay De Los Santos sa kanyang social media post, ilang araw na lang matatabunan na ang isyu laban sa kanya at makapananapak na naman ulit siya.
Ipinagmalaki rin ni De Los Santos, malakas, aniya, siya sa mga politiko sa Albay.
“Ilang araw na lang matatabunan din itong isyu na ‘to makakapanapak na naman ako kaya kayong mga tumitira sa ‘kin antayin n’yo lng, malakas ako sa mga politiko dito sa Albay,” ani De Los Santos sa FB page niya na naka-deactivate na ngayon.
Binantaan niya rin ang waiter na sinuntok niya.
“Waiter ka lang! Hindi mo kilala binabangga mo!” ayon kay De Los Santos.
Ang waiter ng Biggs Diner na si Christian Kent Alejo, 20 anyos, ay sinuntok ni De Los Santos habang naglalagay ng placemat sa mesa ng kongresista nitong madaling araw ng 7 Hulyo 2019.
Sa police report, sinabi ni Alejo na nakailag siya pero sa CCTV footage sa loob ng restaurant mukhang tinamaan siya.
Ayon sa abogado ni Alejo na si Atty. Bart Rayco, maghahabla sila sa Ethics Committee ng Kamara pagbukas nito sa 22 Hulyo.
Ayon sa mga source sa Albay, pinondohan ng isang kongresista ang pagtakbo ni De Los Santos bilang pangunahing nominee ng Ang Probinsyano Partylist.
Malaki umano ang ginastos ng politiko para manalo ang mambabatas na nanapak ng waiter.
ni Gerry Baldo