NANANAGINIP nang gising ang nagpapakalat ng balita na mauulit ang kudeta sa Mababang Kapulungan laban sa manok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-Speaker na si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Sa panayam sa Pangulo ng media kahapon sa Palasyo, sinabi niya na kompiyansa siyang makukuha ni Cayetano ang majority votes ng mga kongresista para maging Speaker ng 18th Congress.
Kamakalawa ay napaulat na inihayag ni presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na posibleng maharap sa kudeta si Cayetano sa pagka-Speaker kahit siya pa ang manok ng Pangulo.
Matatandaan, si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang nasa likod ng kudeta laban kay dating Speaker Pantaleon Alvarez at iniluklok kapalit niya si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo noong 2018.
Noong Lunes, sinabi ng Pangulo ang kanyang desisyon na iendoso si Cayetano bilang Speaker sa 15 buwan at si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa huling 21 buwan ng kanyang administrasyon.
Habang si Leyte Rep. Martin Romualdez ang aniya’y nais niyang maitalagang Majority leader.
Pumayag sa desisyon ng Pangulo sina Cayetano, Velasco at Romualdez.
(ROSE NOVENARIO)