NAGULANTANG ang bystanders at mga residente nang makarinig ng malakas na pagsabog ng granada ang harapang bahagi ng isang Korean restaurant sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Batay sa inisyal na report kay P/Col. Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 12:40 am nitong kahapon, 11 Hulyo nang makarinig ang mga residente ng malakas na pagsabog sa harap ng Chung Mi Rae Korean Restaurant na matatagpuan sa Scout Tuazon sa kanto ng Timog Avenue, South Triangle, Quezon City.
Ayon sa parking boy na kinilalang si Christopher Isla, natutulog siya nang magulantang sa malakas na pagsabog at doon ay isang lalaking nakasuot ng itim na T-shirt at maong pants ang nakitang naghagis ng granada sa harapan ng restaurant at mabilis na tumakas patungong Scout Madriñan.
Walang nasaktan sa insidente pero nasira ang dalawang bagong sasakyan na nakaparada sa lugar na isang Toyota Innova, may conduction sticker na YYOO79, at isang Ford Explorer na may conduction sticker na IM7818.
Sa pagresponde ng mga awtoridad, nabatid na MK-2 hand granade ang inihagis at pinasabog ng hindi kilalang suspek.
Agad pinawi ni QCPD director P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang pangambang may kaugnayan sa terorismo ang pangyayari.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at pag-aaralan ng mga awtoridad kung may CCTV camera sa lugar.
Nasamsam sa lugar ang safety lever, striker spring, at fragments mula sa pinasabog na granada. (ALMAR DANGUILAN)