HANGARIN ito ni Sen. Christopher “Bong” Go para sa mga Filipino kaya naghain siya ng panukalang batas na tatapos sa dumaraming bilang ng squatter o informal settlers sa bansa.
Sa pamamagitan ng National Housing Development Production and Financing bill, target niyang mapagkalooban ng sariling bahay ang mahihirap sa mahabang panahon ay walang matatawag na sariling tirahan.
Ipinaliwanag ni Go, batay sa naturang panukalang batas, ilang opsiyon ang kanyang inilatag para makabenepisyo ang mga kinauukulan para magkaroon ng sariling bahay.
Una na rito ang pagpayag ng may-ari ng isang pribadong lupa na ibenta ang kanyang ari-arian na ipi- finance o gugugulan naman ng Community Mortgage Program o CMP para tayuan ng murang pabahay ng pamahalaan.
Nakapaloob sa panukala ang pagbuo ng asosasyon ng mga informal settlers at mula roon ay makabalangkas ng pamamaraan kung paano mababayaran nang madali ang lupain kung saan nakatirik ang kanilang pamamahay.
Dagdag ni Go, nakausap na rin niya ang National Housing Authority tungkol kanyang panukalang batas at mula rito’y natalakay na kung paano mapagkakalooban ng murang pabahay ang mga Filipino na hanggang ngayon ay wala pang sariling tahanan.
(ROSE NOVENARIO)