ANG agarang pagpapaalis ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga illegal stalls sa kahabaan ng C.M. Recto Ave., sa Divisoria at Carriedo St., sa Quiapo ay ikinatuwa ng maraming mamamayan ng Metro Manila at ng buong Filipinas dahil pinatunayan niya na kaya naman talagang magluwag ng mga kalsada kung gugustuhin ng mga namumuno.
May mga nagpaalala rin kay Mayor Isko ng ibayong pag-iingat dahil hindi biro ang mga binabangga niyang grupo na maaaring magtanim ng sama ng loob sa kaniya at sa kanyang mga tauhan sa ginagawa niyang operasyon. Konting ingat din sa mga sulsoltant na mga benggador pero lahi rin namang tirador!
Marami rin namang mga malisyoso ang nagdududa na baka gimik lamang ito ni Mayor Isko at gusto lamang organisahin ang mga negosyanteng kapitalista ng mga vendors para mailipat sa grupo niya ang nguso ng imbudo ng pagkakakitaan mula sa sindikato ng kalsada.
Sana naman ay hindi!
P2.5 bilyong arkabala sa kalsada kada taon nakalulula talaga!
Nakakapanggigil ang halagang P50M kada linggo bilang intelihensiya na may kabuoang halos P2.5 bilyon taon-taon na iniaalok umano kay Mayor Isko ng grupong humahawak sa illegal vendors sa kabuoan ng lungsod pumayag lamang na manatili ang illegal stalls sa mga kalsada ng Maynila.
Kung totoo ito, nakapagtatanong tuloy ang mamamayan kung ganito ba kalaki ang tinatanggap ni dating Mayor Joseph “Erap” Estrada mula sa nasabing grupo noong siya pa ang bossing ng Maynila?
Naging Vice Mayor nina dating Mayor Alfredo Lim at Mayor Erap si Isko Moreno kaya marami na siyang alam sa mga nangyayaring madyik sa loob at labas ng Manila City Hall kaya naman may kredebilidad ang bawat sabihin niya sa publiko at ito ang naging sandata niya sa dalawa nang maglaban-laban silang tatlo noong nakaraang eleksiyon.
Bukod sa kinakaharap na utang ng Lungsod ng Maynila na iniwanan ni Erap, may mga problema din na kinakaharap si Mayor Isko sa isyu ng social services tulad ng kapos na pondo ng public hospitals na kung mareresolbahan bago matapos ang termino ay maging hugot puhunan sa political ambition sa pang-national level.
Pero baka naman sumobra sa pabango si Mayor Isko e! Pakialalayan din nang konti.
Hahaha!
BAKAS
ni Kokoy Alano