IBINUNYAG ni Bureau of Customs (BoC) district collector, Atty. Erastus Sandino Austria na patuloy pa rin ang sindikato sa loob ng ahensiya, sa kabila ng pagpupursigi ng Duterte administration na ito’y linisin.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Austria, isa sa patunay ang ginawang ‘cover-up’ sa P1-bilyong halaga ng ‘Tapioca shipment’ na nakalabas ng daungan at nakarating sa isang warehouse sa Malabon City noong 24 Mayo 2019.
Anang opisyal, nakarating ang shipment na may lamang shabu, nagkakahalaga ng P1 bilyon, sa Malabon makaraang isubasta ng BoC sa publiko.
Aniya, kataka-taka na nakalusot ito sa kamay ng customs officials at PDEA na kalaunan ay gumawa ng statement na isa itong ‘controlled shipment’ at bahagi ng isang entrapment operation.
Naging depensa ng BoC at PDEA na sadyang ipinasubasta ang shipment para madaling makilala at matunton ang drug smugglers at sa pamamagitan ng bidding ay madaling madakip sa entrapment operation.
Nagpalabas umano ang BoC ng statement na nagsasabing ang opisina ni Austria, noo’y tagapagsalita ng Kagawaran, ang naglabas ng pahayag kaugnay sa pakay na pagpapasubasta sa ‘Tapioca shipment.’
Mariing tinutulan ni Austria ang pagpapalabas ng statement dahil batid niya na ang lahat ay ‘fabricated.’
Sinabi ni Austria, kanya niyang pinaalalahanan si Commissioner Rey Guerrero na kuwestiyonable ang ‘Tapioca shipment’ na pinayagan ng ahensiya para isubasta.
Dagdag ni Austria, sa kabila ng kanyang pagtutol sa statement ay ipinag-utos rin ni Guerrero sa staff ni Austria na ilabas ang statement hinggil sa planong subasta.
Kaugnay nito, isiniwalat ni Austria na isang “Del Rosario Group” ang isa sa sindikato na gumagalaw sa BoC.
Sa kabila nito ipinagmalaki pa rin ni Austria na tumaas ang revenue collection ng ahensiya sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(ALMAR DANGUILAN)