MAGLILITANYA si Pangulong Rodrigo Duterte hingil sa Saligang Batas sa kanyang ika-apat na state of the nation address (SONA) sa 22 Hulyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo kahapin, gusto ni Pangulong Duterte na mag-lecture lalo sa mga kritiko ng administrasyong Duterte sa nilalaman ng Konstitusyon.
Naging sentro ng kritisismo ang Pangulo dahil sa pagpayag niyang makapangisda sa exclusive economic zone ng Filipinas ang China.
Ayon kay Panelo, hindi kasi nauunawaan ng mga kritiko ang gustong ipaliwanag ng Pangulo hinggil sa isyu.
Tinawag ni Panelo ang mga kritiko ng Pangulo bilang mga sutil, kabilang rito sina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, at Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, na gustong ipain ang pangulo sa China.
Kaya naman dinadaan na lamang aniya ng Pangulo sa pang-aasar sa mga kritiko ang pagtugon sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagsasabing magsama- sama silang sumakay sa barko ng Amerika at silang unang pumukol o bumomba sa China.
Sa nakalipas na 2018 SONA ni Duterte, tumagal lamang ito nang 48-50 minuto, ang pinakamaikling SONA ng isang pangulo.
Ang 2017 SONA niya ay tumagal nang dalawang oras, habang ang kauna-unahang SONA noong 2016 ay tumagal ng isa at kalahating oras. (ROSE NOVENARIO)