HINDI maituturing na krimen ang pagsasampa ng impeachment complaint pero kapag ito ay iniuumang laban sa isang indibidwal para udyukan siyang gumawa ng isang marahas na bagay, ito ay maituturing na krimen.
Ito ang paliwanag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kasunod ng mga bantang paghahain ng impeachment complaint ng ilang sector laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, kompiyansa si Nograles na walang mararating ang anumang reklamong impeachment na planong ihain laban sa Pangulo.
Dadaan aniya sa proseso ang reklamong ito at sa nakikita niya ngayon, manipis aniya at mababaw ang dahilan ng mga nagbabalak na sampahan nito ang pangulo.
Wala pa naman kasi aniyang aktuwal na basehan para patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
Sa nauna nang pahayag nina Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating DFA Sec. Albert Del Rosario, sinabi nila na isang impeacheable offense ang pagpayag ni Pangulong Duterte na makapangisda ang China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)