NAKATAKDANG ilunsad ng state-run People’s Television Network (PTV-4) ang programang “DIGONG 8888 HOTLINE” na maaaring makapagsumbong nang direkta ang publiko laban sa nalalaman nilang katiwalian sa isang ahensiya ng pamahalaan.
Bukod sa iregularidad, maaari rin iparating sa naturang programa ang mga reklamo na may kaugnayan sa mabagal na proseso ng isang transaksiyon, sumbong kontra sa fixers, at masusungit na kawani ng pamahalaan.
Isang ahensiya ng pamahalaan ang sasalang sa kada linggong episode ng “DIGONG 8888 HOTLINE” na tatanggap ng mga katanungan at rektang sumbong mula sa mga manonood na bibigyan ng agarang aksiyon.
Magsisimula ang “DIGONG 8888 HOTLINE” sa darating na 11 Hulyo 2019 at mapapanood tuwing araw ng Huwebes, 2:00-3:00 pm na mapapanood din sa affiliate provincial stations ng PTV sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Host ng nasabing programa si Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo at Assistant Secretary Kris Roman ng Office of the Chief Presidential Legal Counsel at ni Trixie Jaafar ng PTV news.
(ROSE NOVENARIO)