HIHINGIN na ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang utos ng Korte para ipatupad ng LTFRB ang tatlong-taon palugit sa paggamit ng hatchback sa TNVS.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, biglang ini-ban ng LTFRB ang mga hatchback taliwas sa memorandum na puwede ito bilang TNVS.
Ayon kay ACTS-OFW Partlylist Rep. Aniceto “John” Bertiz III, ang sektor ng OFWs ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng mga ‘pahirap na policy’ ng LTFRB.
Sinabi ni Inton, napakaraming ex-OFW ang umuwi sa bansa at sa konting ipon nila ay bumili sila ng hatchback unit para ipanghanapbuhay bilang TNVS.
“Ayaw na nila mag-OFW at mahiwalay sa pamilya kaya naman umasa sila sa mandato ng LTFRB – Memo circular 2018-005 – na may hanapbuhay sila kahit hanggang February 2021,” ani Inton.
“Ang iba naman ay OFW pa rin sa ibang bansa at nagpadala ng pera sa kanilang pamilya para makabili ng hatchback upang ipanghanapbuhay.
Pero nawala na parang bula ang pag-asang ito nang biglang maisip ng LTFRB na i-ban ang hatchback,” dagdag ni Inton.
Ani Inton, malabo ang paliwanag ng LTFRB sa ban sa hatchback kaya, aniya, kailangan ang Mandamus Case laban sa LTFRB para matauhan ang ahensiya at magising sila at kanilang ipatupad ang transition period na three years o, up to February 2021 ay puwede pa ang hatchback.
Hindi naniniwala si Inton na safety ang isyu laban sa paggamit ng hatchback sa TNVS.
“Safety daw ang isyu? Ha! Aba ay insulto sa mga engineers na nag-design ng hatchback ang katuwiran na ito. Kung masusunod ang kapritso ng LTFRB dapat i-pullout na lahat ng hatchback sa kalsada. Wala silang datos na ipinakikita na nakaaaksidente ang hatchback TNVS,” giit ni Inton.
Aniya, may mas ipino-promote ang hatchback dahil mas bagay sa city driving at mas cost efficient at bumubuga ng lesser emission. (GERRY BALDO)