NANGUNA ang Bureau of Customs (BoC) sa ahensiya o kagawaran ng gobyernong naitala na may reklamo ng katiwalian at korupsiyon sa Malacañang.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Presidential Anti-Corruption (PACC) commissioner Greco Belgico, valedictorian ang BoC, salutatorian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at first honorable mention o nasa ikatlong pwesto ang Department of Public Works and Highways (DPWH) pagdating sa natanggap na reklamo ng katiwalian ng komisyon.
Sa mga opisyal ng gobyerno na nakasuhan, napasuspende at napaaresto ng PACC ay mula secretary, undersecretary, director, district engineer, at maging prosecutors.
Tumanggi si Belgica na pangalanan sila habang dinidinig ang mga kasong kriminal laban sa kanila sa Ombudsman.
Samantala, binigyang diin ni Belgica na maging ang ilang opisyal ng gobyerno na malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ligtas sa kanilang imbestigasyon at pagpapaanagot sa batas. Iginiit ni Belgica, hindi dahilan ang pagiging malapit nila sa Pangulo para malibre sila sa imbestigasyon kung mayroong nagreklamo ng katiwalian laban sa kanila.
Wala aniyang sinisino ang kanilang mandato, kahit gaano pa man kalapit ang relasyon sa Pangulo. (ROSE NOVENARIO)