WELCOME kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang joint investigation ng Filipinas at China sa ‘hit-and-run’ sa Recto Bank na naging sanhi ng paglubog ng Philippine fishing boat lulan ang 22 mangingisdang Filipino.
“The President welcomes a joint investigation and an early resolution of the case. We will await a formal communication from the Chinese Embassy,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ang pahayag ay bilang tugon sa panukala ng Chinese Embassy na magkaroon ng joint investigation sa lalong madaling panahon upang maayos na maresolba ang usapin base sa “mutually recognized investigation results.”
Nauna rito, sinabi ni Panelo, maaaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang Chinese crew na bumangga sa bangka ng mga mangingisdang Filipino sa Recto Bank.
Ito aniya ay kung mapapatunayan na sinadya ng Chinese crew ang pagsalpok sa bangka ng mga Filipino.
Paliwanag ni Panelo, maaaring isampa ang kaso sa Mindoro dahil sa teritoryo ng Filipinas naganap ang insidente.
Gayonman, aminado si Panelo na baka hindi maaaring papuntahin sa bansa ang Chinese crew para sumailalim sa paglilitis.
Sa ilalim aniya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kinakailangan sa China manggaling ang penalty at sila ang nararapat na magbigay ng parusa.
Bukod sa mga kasong ito, mayroon pa aniyang diplomatic protest na nakahain laban sa China dahil sa ginawang pag-abandona ng Chinese crew sa mga mangingisdang FIlipino na nanganib ang buhay sa gitna ng karagatan. (ROSE NOVENARIO)