WALANG kapasidad ang Filipinas na kumasa sa isang nuclear war kaya hindi maglulunsad ng aksiyong militar sa West Philippine Sea kahit pinalubog ng Chinese fishing vessel ang Philippine fishing boat.
Ito ang unang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa nangyaring ‘hit-and run’ sa Recto Bank nitong 9 Hunyo.
“We can never be ready in a nuclear war. In a nuclear war, kung bitawan lahat ‘yan, Earth will be dried up and Earth will be destroyed and that will be the end of everything,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy kagabi na tumutukoy sa lakas militar ng China.
Tinawag ng Pangulo na maritime incident ang nangyari sa Recto Bank at hindi aniya magiging dahilan upang magpadala siya ng mga barkong pandigma sa West Philippine Sea.
“‘Yung nangyari riyan sa banggaan, that is a maritime incident. ‘Wag kayong maniwala sa mga politiko na bobo, gusto papuntahin ‘yung Navy, you do not send gray ships there, banggaan lang ng barko ‘yan,” pahayag ng Pangulo.
Kung siya lamang aniya ang masusunod ay gusto niya ng aksiyon pero hindi siya isip-bata at mas matimbang sa kanya ang kapakanan ng lahat.
“Alam mo, gusto ko ‘yan, kung ako lang ang papipiliin, gusto ko action, but I am not in my boyhood age anymore,” ayon kay Pangulong Duterte.
Noong Biyernes ay ipinahiwatig ni US Ambassador Sung Kim ang kahandaan ng Amerika na umayuda sa Filipinas para ipagtanggol ang pagmamay-ari sa mga teritoryo West Philippine Sea alinsunod sa Mutual Defense Treaty.
ni ROSE NOVENARIO