MAGDARAOS ng joint cluster meeting ngayon ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte upang talakayin ang paglubog ng Filipino fishing vessel matapos banggain ng tinukoy na Chinese fishing boat sa Recto Bank sa West Philippine Sea kamakailan.
Ang pulong ay dadaluhan ng security, justice, and peace cluster sa ilalim ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at economic development cluster sa ilalim ni Finance Secretary Carlos Dominguez III.
“Technically hindi puwedeng tawaging Cabinet meeting kasi kung hindi si Pangulo ang nandoon, hindi siya [Cabinet meeting]. Siguro ang confusion lang, if ever, is ‘yung loose na paggamit ng word na Cabinet meeting. But if it involves several Cabinet secretaries ‘yung kasama sa meeting, siguro loosely natatawag siyang Cabinet meeting,” ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles sa panayam sa radio station DZBB kahapon.
Inaasahang may mas malinaw na impormasyon na maihahayag sa joint cluster meeting hinggil sa insidente na maaaring maging batayan sa magiging hakbang ng administrasyong Duterte.
Inihayag noong Biyernes ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim, ang pag-atake sa South China Sea ng dayuhang armadong sibilyan na pinayagan ng kanilang gobyerno ay puwedeng maging dahilan upang umayuda ang Amerika sa Filipinas alinsunod sa Mutual Defense Treaty.
“(US Secretary of State Mike Pompeo) made clear that because the South China Sea is part of the Pacific, under the treaty itself, any armed attack on Filipino vessels, Filipino aircraft will trigger our obligations under the Mutual Defense Treaty,” aniya.
Matatandaan, itinanggi ng Chinese embassy na hit-and- run ang nangyari at mistulang pinagtanggol ang pag-abandona ng Chinese fishing vessel Yuemaobinyu 42212 matapos mabangga ang Philippine fishing boat dahil natakot umano ang mga mangingisdang Tsino.
(ROSE NOVENARIO)