KINOMPIRMA ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nanatiling nakaalerto ang pulisya at hindi magpapakampante para matiyak ang seguridad sa Metro Manila.
Wala umanong namo-monitor na banta ng kagulohan o terorismo sa Kalakhang Maynila sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na 22 Hulyo, ayon sa NCRPO.
Aniya, aabot sa 5,000 pulis ang ipapakalat at magbibigay seguridad sa kasagsagan ng SONA ni Duterte partikular sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Inihayag ni Eleazar na inaasahan nila ang pagtitipon-tipon ng mga raliyista sa labas o malapit sa Batasang Pambansa kaya tiniyak ng opisyal na ipatutupad ng mga pulis ang maximum tolerance basta payapa ang pagsasagawa ng kanilang programa o kilos protesta at hindi maaapektohan ang peace and order.
Binigyang-diin ng opisyal, hindi maglalagay ng barbed wires upang pigilin ang mga raliyista kaya umaasa ang NCRPO na magiging payapa at maayos ang sitwasyon sa gaganaping SONA ng Pangulo. (J. GARCIA)