HULI ang nasa kabuuang 356 katao ng mga pulis dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa sa katimugang Metro Manila sa nakalipas na 24-oras.
Base sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director, B/Gen. Eliseo Cruz, nagsagawa ng implementasyon ng mga ordinansa ang mga awtoridad sa mga lungsod ng Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at munisipalidad ng Pateros, simula 5:00 am kamakalawa at nagtapos 5:00 am kahapon.
Sa nasabing bilang, 23 indibiduwal ang nahuling nag-iinuman sa pampublikong lugar, 51 ang naninigarilyo, 47 ang walang suot na damit pang-itaas, 228 menor de edad ang lumabag sa curfew at pito sa illegal vending.
Pinakamalaking bilang ng ordinance violators ang naitala sa siyudad ng Muntinlupa na pumalo sa 121 at sinundan ito ng Taguig City na 115.
Siniguro ng opisyal na patuloy ang kanilang pagpapaigting sa anti-criminality operations at implementasyon ng mga ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kanyang mga nasasakupang lugar. (JAJA GARCIA)