MAGHAHANAP ang Palasyo nang pagkukuhaan ng P150-B para sa umento sa sahod ng may 800,000 public school teachers sa bansa.
Nanawagan ang Palasyo sa mga guro na habaan ang pasensiya at tiniyak na gumagawa ng paraan ang pamahalaan.
“I just received from Secretary Briones, coming from the Department of Budget Secretary, that if you increase P10,000 for every teacher in this country, it will cost us hundred fifty billion pesos. That is why we appeal to our teachers that since this is a huge amount, medyo haba-habaan lang ninyo ang pasensiya, talagang maghahanap tayo ng pera para sa inyo,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Noong Enero ay nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na kakausapin niya ang mga titser para ipaliwanag ang mga bagay na kaakibat ng hiling nilang dagdag suweldo.
Samantala, malamig ang palasyo sa hirit ng Alliance of Concerned Teachers na maglabas si Pangulong Duterte ng isang executive order para sa hirit na salary hike.
Ayon kay Panelo, madali itong sabihin pero mahirap gawin hangga’t wala pang nakikitang puwedeng paghugutan ng pondo.
Hayaan muna aniyang gawin ng economic managers ang kanilang trabaho para makakita ng pagkukuhaan ng pangsustento sa dagdag suweldo ng mga titser.
Dahil dito, hindi pa masabi ni Panelo kung kailan maaaring makatikim ng taas-suweldo ang mga guro.
ni ROSE NOVENARIO