TINANGGAL ang programa ni Erwin Tulfo sa state-run Radyo Pilipinas dahil sa pambabastos kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista.
Imbes “Tutok Tulfo” ang umere sa 10:00-11:00 ng am kahapon, ang programang “Birada Bendijo” ni Aljo Bendijo ang narinig sa Radyo Pilipinas.
Sinabi ng source sa Palasyo, nagpasya ang pamunuan na tanggalin ang programa ni Tulfo matapos ulanin ng batikos ang pambabastos ng komentarista kay Bautista.
Nauna nang inimbestigahan ng Program Content and Development Committee ng Radyo Pilipinas ang kontrobersiyal na episode ng Tutok Tulfo.
Maging si Presidential Spokesman Salvador Panelo ay tiniyak ang suporta ng Palasyo kay Bautista.
“There’s no question about — we are supporting General Bautista; walang problema doon, talagang we are supporting him,” ani Panelo sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Kaugnay nito, nagpahayag na rin ng suporta ang Association and Flag Officers (AGFO) para kay Bautista.
Ang pagbira ni Tulfo kay Bautista, anang AGFO, ay isang masamang ehemplo para sa mga bagong mamamahayag at katibayan ng isang nag-abuso sa freedom of expression.
Kamakalawa ay tinanggal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang security detail ng magkakapatid na Erwin, Ben, Raffy at Ramon Tulfo.
Nauna rito, umalma ang Philippine Military Academy Alumni Assoaciation Inc. (PMAAI) sa maaanghang na salitang binitiwan ni Tulfo laban kay Bautista na miyembro ng PMA Class ‘85.
Sa kanyang radio Program noong 28 Mayo, tinawag ni Tulfo na punyeta, buang at binantaan na ingungudngod sa inodoro si Bautista dahil nabigong makapanayam ang DSWD Secretary.
(ROSE NOVENARIO)