TOKYO – Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga negosyanteng Hapones na walang makasasagabal sa kanilang pamumuhunan sa Filipinas dahil papatayin niya ang problema.
Aabot sa P300-B ang ilalagak na kapital ng Japanese investors sa Filipinas na lilikha nang mahigit 80,000 trabaho para sa mga Pinoy batay sa mga trade agreement na nilagdaan ng Filipinas at Japan sa pagbisita ng Pangulo.
“May I just assure you that during my time I said there will be no corruption. And every Japanese investor in my country however small, however big, I can assure you that if there’s any complaint regarding hindrances, obstruction or outright corruption, let me know,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa business forum sa Imperial Hotel.
Anomang oras, aniya, ay puwede siyang istorbohin ng Japanese investor sa Filipinas kapag may naging suliranin sa kanilang negosyo.
“I will give you at any hour of the day or night you can contact any of the Cabinet members or your Filipino lawyers or Filipino workers, and you can ask an audience with me in 24 hours and I will talk to you and just let me know what your problem is and we will kill that problem,” giit niya.
Itataya ng Pangulo ang kanyang karangalan kapag hindi niya natupad ang kanyang garantiyang ligtas at maayos na negosyo para sa mga Hapones sa ating bansa.
Kaugnay nito, hinikayat ng pangulo ang mga mamumuhunang Hapones na sumali sa Build Build Build program ng gobyerno.
Tiniyak ng pangulo, sa harap ng magandang macro economic policies ng kaniyang administrasyon, ginagarantiyahan niya ang isang competitive at corruption-free business climate sa bansa at ang katiyakang mahuhusay at mabibilis matuto ang ating mga manggagawa.
(ROSE NOVENARIO)