BINALAAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nagsipanalong kandidato sa katatapos na midterm elections nitong 13 Mayo na hindi sila makauiupo sa puwesto kapag hindi sila nakapagsumite ng kanilang statement of contributions and expenditures (SOCE) bago o sa 13 Hunyo.
Sa opisyal na pahayag, ipinaliwanag ni Comelec education and information director James Jimenez na: “sa ilalim ng batas, kinakailangan magsumite ang lahat ng mga kandidato at partidong politikal ng kanilang SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.”
Gayonman, sa pagkonsidera na ang huling araw ng paghahain ng SOCE ay sa 12 Hunyo na isang holiday dahil Araw ng Kalayaan, idinagdag ni Jimenez na maaari pa rin isumite ng mga kandidato ang kanilang SOCE sa susunod na araw, 13 Hunyo.
Batay sa probisyon ng Omnibus Election Code, walang sinumang nahalal sa alinmang posisyon sa pamahalaan ang maaaring makapasok sa kanyang tungkulin kung hindi nakapaghain ng kanyang SOCE na nararapat isumite sa Comelec sa loob ng 30 araw simula nang araw ng halalan.
Sakop din nito ang mga kandidatong hindi nanalo o nakakuha ng posisyon sa pamahalaan.
Ang sinumang mabigong isumite ang kanilang SOCE ay mahaharap sa kasong administratibo.
“The submission of the SOCE by mail, courier or any other messenger services will not be accepted, while failure to file the SOCE will result in administrative sanction against the candidates and political parties,” pagdidiin ni Jimenez.
(TRACY CABRERA)