SASAGUTIN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang gastusin sa pagpapauwi ng labi ng overseas Filipino works (OFWs) na napatay ng kanyang employer sa Kuwait kamakailan.
Nagpaabot ng pakikiramay ang ahensiya sa pangunguna ni Secretary Teodoro “Teddy” Locsin sa pamilya ng OFW na namatay nang dalhin sa Al-Sabah Hospital, Kuwait nitong 14 Mayo na idineklarang dead on arrival.
Kinilala ang biktimang OFW na si Ma. Constancia Lago Dayag, tubong Cauayan, Isabela na nauna nang napaulat na minaltrato at sinaktan ng kanyang employer na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Sinabi ni Embassy Charge d’Affaires Mohd Noordin Pendosina N. Lomondot, nagbigay ng assistance ang Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait para mailabas ang forensic report sa loob ng apat hanggang anim na linggo.
Sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Kuwait, ang DFA ay kukuha ng abogado para masampahan ng kasong kriminal ang kanyang employer na responsable sa pagkamatay ni Dayag.
Wala pang petsa kung kailan darating ang labi ng Pinay worker sa bansa dahil ipinoproseso pa ang kanyang papales.
(JAJA GARCIA)