GRUPO ng mga kabataan ang naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) laban sa pag-upo ng hepe ng National Youth Commission (NYC) na si Ronald Cardema kapalit ang asawa bilang unang nominee sa Duterte Youth party-list.
Sinabi ng grupong National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at University of the Philippines (UP) sa Comelec na hindi na maaaring palitan ni Cardema ang asawa niya bilang first nominee ng Duterte Youth Party-list dahil lagpas na ito sa deadline ng “substitution’ na dapat ginawa noong Nobyembre 2018.
Si Cardema ay nagpetisyon sa Comelec na papalitan niya ang kanyang asawa noong 12 Mayo, isang araw bago mag-eleksiyon.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez hindi na maaaring palitan ni Cardema ang asawa niya dahil lagpas na ang deadline.
Ayon sa mga grupo ng kabataan hindi na rin puwede si Cardema na maging kinatawan ng kabaatan dahil 33 anyos na siya.
Anila, ang lider ng kabaatan ay dapat 30 anyos o mas bata pa.
“Comelec should junk Cardema’s shady tactics which mock the party-list system. He has been exposed as nothing but a power-hungry fraud in service only to himself and his patron Duterte. The youth will not let this stand,” ayon kay NUSP national spokesperson Raoul Manuel.
Kasama sa mga nagpetisyon laban kay Cardema ang Kontra Daya, TINDIG-SHS ng University of Santo Tomas (UST), at Youth Act Now Against Tyranny (YANAT.)
Ang petisyon ay suportado ng libo-libong lider ng kabataan mula sa iba’t ibang organisasyon, student council at student publications sa buong bansa. (GERRY BALDO)