HINDI arson kundi aksidente ang nangyaring sunog sa Coco Milktea Shop nitong Linggo ng gabi sa Glorietta 2 Ayala Center sa nasabing lungsod.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Makati City Bureau Fire Protection na aksidente ang nangyaring sunog sa Coco Milktea Shop nitong Linggo ng gabi at hindi sinadya.
Sinabi ni F02 Lester Batalla, arson investigator ng BFP, nag-acetylene cutting ang ilang trabahador ngunit pagsindi sa hose ay nagliyab hanggang nag-backfire at bumalik sa tangke na kinaroroonan ng kemikal na nagliyab sa hagdanan kung saan sila nagkukumpuni.
Dagdag ni Batalla, tapos na ang kanilang isinagawang imbestigasyon sa insidente ng sunog na umabot sa unang alarma.
Aniya, ipinasusumite ng mga kaukulang dokumento ang may-ari ng Coco Milktea upang mabatid na may pahintulot na magtatayo sila ng nasabing establisimiyento.
“Kailangan po namin makita ‘yung mga dokumento para mabatid namin na legal ang kanilang pagpapatayo o business nila,” anang arson investigator.
Nagkaroon ng minor injury si Raymund Tacderan, 37, ng Purok 5, Bugtong St., Lipa City matapos madapa nang magtakbuhan ang mga tao.
Halos nag-panic ang lib0-libong tao sa loob ng Glorietta 2 nang maganap ang sunog sa ground floor nito nang lamunin ng apoy ang nasabing establisimiyento.
Dakong 6:20 pm nang sumiklab ang apoy sa Barangay Lorenzo ng lungsod.
Naapula ang sunog dakong 6:30 pm at wala naman naiulat na nasawi. (JAJA GARCIA)