HINIMOK ni dating Special Assistant to the President at senator-elect Christopher “ Bong” Go ang mga kabataan na huwag matakot mangarap at pahalagahan ang simpleng pagtulong sa kapwa.
Ang mensahe ni Go ay kasabay ng taos pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya at higit sa lahat sa mga Filipino na nagtiwala sa isang ordinaryong probinsiyanong tulad niya na ihalal bilang senador.
“Para po sa mga kabataan natin, huwag kayong matakot mangarap. Huwag ninyong maliitin ang kahit simpleng pagtulong at pagseserbisyo n’yo sa kapwa dahil sa bawat taong mapasaya at mapagaan ninyo ang hinaing, babalik rin sa inyo ang kabutihang nagawa ninyo. Tanging Diyos lang ang nakaaalam ng inyong tadhana sa buhay,” ayon kay Go.
Ngayong tapos na aniya ang halalan ay panahon na upang magkaisa ang lahat tungo sa mas mahalagang gawain na iangat ang bansa at ang antas ng pamumuhay ng mga Filipino sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maasahang serbisyo ng gobyernong nagmamalasakit sa tao.
Tiniyak ni Go na ipagpapatuloy ang serbisyong Tatak Duterte, tapat, makatao at maka-Diyos na serbisyo sa bayan.
(ROSE NOVENARIO)