NAGING mapayapa at walang naitalang marahas na insidente sa katimugang Metro Manila sa loob ng 12-oras na 2019 midterm elections.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director, B/Gen. Eliseo Cruz, generally peaceful o tahimik sa pangkalahatan ang mga lungsod ng Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at bayan ng Pateros.
Aniya, wala rin umanong namonitor o naitalang vote buying at selling sa kasagsagan ng eleksiyon.
May mga iniulat ngunit negatibo ang resulta sa pagsalakay ng mga pulis kabilang ang binantayang isang malaking restaurant sa Roxas Boulevard sa Pasay City.
Malinis din sa mga polyetos at iba pang election materials sa loob at labas ng mga polling precinct kasama rito ang Makati, Muntinlupa at iba pang lugar.
Pinasalamatan ni Cruz ang kanyang mga tauhan sa tahimik at payapang resulta ng halalan sa kanyang nasasakupan.
(JAJA GARCIA)