ITINALA ni dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano ang kanyang boto sa Taguig City.
Nabatid, na 10:30 am nang bomoto si Alan sa Cipriano P. Santa Teresa Elementary School, Brgy. Bagumbayan at sinamahan ng kanyang misis na si Taguig City Mayor Lani, kanidatong kongresista sa ikalawang distrito.
Samantala, si Alan Peter ay tumatakbo namang kongresista sa unang distrito.
Dahil sa pagtakbo ng mag-asawa sa parehong puwesto, sa magkahiwalay na distrito, kinuwestiyon ng mga residente ng lungsod ang kanilang kandidatura.
May naghain ng petisyon hinggil dito, ngunit ibinasura ng Comelec.
Nitong Biyernes, nagsampa ng motion for reconsideration ang petitioner para patigilin ang pamilya Cayetano dahil sa pagiging “super dynasty” umano ng pamilya.
Bukod kay Alan Peter at misis na si Lani, tumakbong senador ang kapatid nitong si Pia, si Lino ay bilang akalde sa nabanggit na lungsod.
“Ang sitwasyon namin ni Lani hindi kami nag-imbento niyan. ‘Yan ang batas. Pinapalaki ‘yung issue na ‘to. I’m confident na ma-unmask ‘yung people behind [this]… Walang dahilan na ma-reverse o matalo kami sa kaso,” ayon kay Alan Peter.
Iginiit niya, ang pagtakbo nilang mag-asawa ay malinaw aniyang serbisyo publiko.
Samantala sa Parañaque City, 1:30 pm pinakawalan ni incumbent Mayor City Edwin Olivarez ang kanyang boto sa Parañaque High School, Brgy. San Dionisio.
Si Olivarez ay reelectionist sa pagka-alkalde ng lungsod.
Dakong 10:00 am nang bomoto si Pasay City Mayor Antonio “Tony” Calixto sa Andres Bonifacio Elementary School, na tumatakbong kongresista, samantala ang kanyang kapatid na si Pasay City congresswoman Imelda “Emmie” Calixto-Rubiano ay tumatakbo bilang alkalde, sa magkahiwalay na presinto.
Sa Muntinlupa City, 7:00 am bomoto si incumbent Mayor Jaime Fresnedi sa covered court na ginawang polling precinct sa Villa Carolina Subdivision, Brgy. Tunasan. (JAJA GARCIA)